Mensahe para sa mga Nagtapos ng 2017

Mar 30, 2017 / News /

17668865_433507436997395_1313288427_o

MENSAHE

      Una sa lahat taos puso ko pong binabati kayong lahat, mga magulang at inyong mga anak na magsisipagtapos. May nagsasabi na sa pagtatapos ng mga mag-aaral ang dapat bigyan pansin ang mga magulang sapagkat sa kanilang pagsisikap at hirap ay napagpatapos nila ang kanilang mga anak. Subalit sa atin pong tema na “SABAY-SABAY NA HAKBANG TUNGO SA MAUNLAD NA KINABUKASAN” ay lahat po ay binibigyan ng pansin ang mga pananagutan ng bawat isa sa larangan ng edukasyon para makamit ang tagumpay sa kinabukasan.

      “SABAY-SABAY NA HAKBANG ……..” hindi po maitatanggi na sa larangan ng edukasyon ay laging magkatuwang ang ginagampanang tungkulin ng tahana’t paaralan, ng magulang at guro. Subalit sa pagkakataong ito ay binibigyan natin ng pansin ang lahat para “sabay-sabay” nating makita ang kahalagahan ng bawat isa na bukod sa mga magulang at guro ay nandyan mismo ang mga anak na nag-aaral, ang lipunan na kanilang ginagalawan, ang kapaligiran, ang pamahalaang lokal at kagawaran ng edukasyon, siyempre, nandiyan po ang inyong mga anak na dapat himuki’t palakasin ang loob na mag-aral ng husay. Walang magagawa ang magulang at guro kung ang may katawan mismo ang ayaw magtiyagang mag-aral.

      Nandyan din po ang pagtulong ng pamahalaang lokal at sa pakikipagtulungan ng kagawaran ng edukasyon sa mga pamilya’t paaralan.

      Pahintulutan po ninyong banggitin ko rito bilang halimbawa, na sa kasalukuyan sa Brgy. Malaruhatan ay mayroon na pong nakatayung mga paaralan para sa Jr. at Sr. High school, 3 palapag na may 6 na silid-aralan at 4 na palapag na may 20 silid-aralan at patuloy pang ginagawa ay 4 na palapag na may 24 na silid-aralan. Ang paligid po ng paaralan ay lalagyan ng mga bakod (perimeter fence), at tubig (water supply), mga kanal(drainage) at sa darating pang panahon ang Pamahalaan ng Probinsya ay magbibigay ng 3 milyon para sa kalsada papunta sa bagong LINAHIS.

      At noong nakaraang ika-24 ng Marso 2017 ay nagkaroon ng “TURN OVER and ACCEPTANCE CEREMONY” sa pakikipagtulungan ng dating Gobernador ng Batangas Antonio Leviste at Pamahalaang Lokal at ng kagawaran ng Edukasyon at ang pagbibigay ng lupa na tinitirikan ng MANAHIS para sa pagtatayo ng Sr. High school para sa Brgy. Matabungkay, MANAHIS.

      Ang lahat pong ito ay bunga ng “Sabay-Sabay na Hakbang Tungo sa Maunlad na Bayan ng Lian sa Larangan ng Edukasyon”.

      “TUNGO SA MAUNLAD NA KINABUKASAN” sa pagbabago’t pagunlad ng anumang bagay ay kailangan ang isakripisyo ang pansariling kapakanan para sa ikabubuti’t ikauunlad ng nakararami. Ang lahat ng bagay ay nabubuo’t naitatatag sa pagtutulungan ng bawat isa. Hindi po mararating ng inyong abang lingkod ang kanyang kasalukuyang kinatatayuan kung hindi sa sarili kong pagsisikap at pagpupunyagi ng aking mga magulang, guro at mga taong nasa kapaligiran ko noong nakaraan, ngayon at sa darating pang panahon. Ang pag-unlad ay tulong-tulong na may kaakibat na sakripisyo. Gayundin po hindi lamang sa larangan ng edukasyon kundi pati sa ekonomiya’t infrastruktura ay tuloy-tuloy pa rin ang pag-unlad. Marami ng pumasok na investor sa Lian, ang low cost housing ng Ayala Land-Bellavita mahigit sa 1,000 bahay ang itatayo sa Brgy. Bagong Pook sa kapartner ni Mr. Modesto Villadolid.

      Sa Brgy. Matabungkayang 85 hectares ay tatayuan ng residential Resort ng Sta. Lucia Realty at ni Conrado Leviste.

      Ang San Diego Leisure na matatayo ng World Class Residential Resort na 85 hectares sa Sitio Tanag, Brgy Sandiego. An gating tourism information Center na itinatayo sa may Sitio Altura, Brgy. Matabungkay.

      Ilang barangay na ang nagkakaroon ng Potable water system – Brgy. Balibago, Brgy. Binubusan, Brgy. Bagong Pook, at ang sununod ay Brgy. Bungahan, Brgy. Cumba at Brgy. Matabungkay. Maraming Farm to Market Road ang darating para maisaayos ang mga daan sa bukid. Nakapagbigay ang National Government ng 9 milyon para mabigyan ng kuryente ang iba pang lugar sa Lian sa Tulong ni Director Lorena PEJI.

      Magsisimula ang ating ECO-PARK sa paglalagay ng Riprap sa may gilid ng PALICO River na may pondong 100 milyon galing sa National Government.

      Ilan lamang ito sa biyaya sa ating bayan sa pagtutulungan ng SB at ng ating Mayor.

      Bilang pagtatapos, sa tema pong “SABAY-SABAY NA HAKBANG TUNGO SA MAUNLAD NA KINABUKASAN” ay biglang naalala ko po ay isang awit na hango sa Salita ng Diyos (Roma 14/7-9) na may pamagat na PANANAGUTAN:”walang sinumang ang nabubuhay at namamatay para sa sarili lamang sapagkat ang lahat ay may pananagutan”.

                  Maraming Salamat po at mabuhay tayong lahat!

 

 

 

 

 

 

 

Mensahe para sa mga Nagtapos ng 2017

ISAGANI I. BOLOMPO, M.P.H.

Municipal Mayor

LGU-Lian, Batangas